Para Kay Nanay

615 0

Ang tinawag namin sa kanya ay ‘Nanay’.  Sya ang aming lola, ngunit  simula pa laman ng aming pagkabata ay ‘Nanay Venus’ na ang nakamulatan naming bansag sa kanya.  At sigurado ko na hindi isang aksidente na walang nagtangkang gawing tama ang tawag namin sa kanya.  Walang ibang bansag na na-akma sa isang babaeng katulad nya.

Sigurado ko na lahat ng nakasalamuha nya ay nakaranas ng kanyang walang sawang kabaitan. Lalo na sa mga maswerteng nakapiling sya ng mas mahabang panahon. Sigurado na marami ang nakadama ng kanyang aruga.  Ibang mag-alaga si Nanay.  May pagmamahal sa bawat pakikitungo nya sa mga tao sa paligid.  At wala syang pinipili, kahit hindi direktang kamag-anak, kahit kaibigan lamang ng kaibigan, ay nakadama ng kanyang kalinga.

Nariyan ang kanyang mga kinupkop sa kanyang tahanan.  Nariyan ang mga pinagkalooban nya ng mga regalo or serbisyo sa abot ng kanyang makakaya nang walang inaasahang kapalit.  Kahit oras o panahon, wala akong naaalalang pinagkait ni Nanay kahit kailan at kahit kanino.

Naaalala ko pa ang mga ulam na niluluto nya.  Mga putahe na wala nang makakaulit ngayon.  Kare-kare, kandinga, menudo, adobo sa suka,  piniritong manok na tinimpla sa kalamansi at harina — kayang itala isa isa ang mga lahok nito, kayang isaysay ang pagkakasunod sunod ng mga kaylangan gawin, pero kahit kailan ay hindi na mauulit pa ang lasa, dahil hindi na ang mga kamay nya ang maggagayat at maghahalo.

Tungkol sa pagkain, isang bagay na sumasagi sa aking gunita ay kapag may pinya sa bahay.  Hihiwain nya ito nang manipis na manipis, na halos kita mo na ang sinag ng liwanag sa kabilang panig ng hiwa kapag tinapat mo ito sa ilawan, isi mo’y liliparin ng hangin kapag nagkataong naihipan ng kaunti.

 

At isa pang alaala: nasa mataas na paaralan na ako nang malaman ko na maaari palang gumawa ng lumpia na mas mahaba pa sa hinliliit ng daliri, sapagkat ang nakagisnan kong lumpia ay laging ganun lamang ka-iksi.  Para sa akin, tulad ng pinya, simbolo ito ng pagmamahal ni Nanay.  Sa kagustuhan nyang mabigyan ang lahat, para lahat makakain.

At sinong makakalimot sa isa pang malaking aspeto ng buhay ni Nanay, ang pagiging magaing na modista.  Para sa akin, walang hindi kayang tahiin si Nanay.  Mula sa damit (bestida, pantalon, uniporme), hanggang sa mga gamit sa bahay (kurtina, telon, kobre kama, kumot), basta kayang gawin sa tela at makina, kaya yan ni Nanay.  Isa pa ito sa mga bagay na hindi nya pinagkait, isang talento na bigay ng Diyos na hindi nya sinayang or pinag-damot kahit kailan.

Kung gagawin sigurong istorya ng Maalala Mo Kaya ang buhay ni Nanay, isang naaangkop na pamagat nito ay “Sinulid”.  Ito ay naaakma hindi lamang dahil sa kanyang abilidad sa tela, ngunit dahil na rin sa mga buhay na nagka-ugnay ugnay dahil sa kanya.

Si Nanay ay isa ring ehemplo ng babaeng Pilipina.  Mahinhin at pino sa pagkilos, masipag at masinop sa bahay, metikoloso sa pananamit at mahinahon sa pananalita.  Ang kanyang kagandahan sa loob at labas ay lumilitaw sa bawat tusok at tahi ng kanyang mga binurda, sa bawat sundot at hila ng kanyang mga ginantsilyo.

Marami pang pwedeng sabihin.  Ang mahigit sa walumpung taon ng pamumuhay, pati na ang mga istoryang nababalot dito ng mga taong nadampian kahit sandali lang ng buhay na ito, ay hindi kayang itala sa isang pagsasaad lamang, o isaysay sa isang upuan.  Ngunit sa abot ng aking makakakaya, kaylangan kong tapusin ito at tanggapin ang katotohanan na hindi na natin sya kapiling.  Nais kong panatilihin ang magagandang alaala, at isipin na lamang na nasa langit na sya ngayon, hindi na malulungkot kahit kailan, hindi na magkakasakit o mahihirapan.  Sigurado ko na iyon ang gusto nya sa mga naiwan nyang mahal sa buhay.

Babay Nanay.  Sigurado ko may Liwayway magazine dyan sa langit.  Tsaka sinehan.

Leave a Reply