Manhid

353 0

Written back in 190301 and finished on 230918.

“Kaya nga’t kinahahabagan ng Diyos ang sinumang nais niyang kahabagan, at nagiging manhid ang nais niyang maging manhid. Sasabihin mo naman sa akin, “Kung gayon, bakit pa sinisisi ng Diyos ang tao? Sino ba ang makakasalungat sa kanyang kalooban?” Tao ka lamang, sino kang mangangahas na sumagot nang ganoon sa Diyos? Masasabi kaya ng isang hinuhubog sa kanyang manghuhubog, “Bakit ninyo ako ginawang ganito?””

‭‭Mga Taga-Roma‬ ‭9:18-20‬ ‭MBB05‬‬

Bilang isang pilosopong lumaki nang sumasalalay sa sariling niyang talino, isang kataga na lagi kong pinanghahawakan ay ito, “nagiging manhid ang nais Niyang maging manhid.” Sa aking kamangmangan, pinili kong isipin na ako ay isa sa mga kawawang pinili ng Panginoon upang magkaroon ng pusong bato. Dahil sa lahat ng aking pinagdaanan sa buhay, puso’t isip ko ay pinatigas na ng panahon. Lahat ay kinaya ko nang nag-iisa; walang kabiyak na nakadaupang-palad, walang kaibigan man lang na hiningian ng tulong. Bagama’t mataas ang tingin ko sa aking sarili, mababa ang tingin ko sa aking istasyon sa buhay.

Hindi naman lingid sa aking kaalaman ang konsepto ng Maykapal. Lumaki ako sa simbahang Katoliko; alam ko na may Diyos; kabisado ko lahat ng dasal, matiyaga akong mag rosaryo, at memoryado ko halos ang mga nobena. Bawal magpaliban sa araw ng pagsimba. Kaylangan sumunod sa mga nakakatanda, sa mga tradisyon ng relihiyon na ipinamana pa ng mga ninuno.

Ngunit ang pawang katotohanan ay hindi ko Siya talagang kilala. Hindi ko alam na maari palang mapalapit sa puso Niya.

Ngayon alam ko na ito ay isang malaking kamalian. Matinding kamangmangan. Mapangahas na kayabangan.

Sapagkat pinagpala ang kung sino man ang nabigyan ng pagkakataon na matikman, kahit sandali, ang sarap ng buhay na dala ng kaloobang nakawala sa pabigat ng kasalanan.

Hindi nagsimula at natapos ang Mabuting Aklat sa katagang “nagiging manhid ang nais niyang maging manhid”. Hindi tayo pinagkalooban ny Diyos ng Mabuting Balita para lamang pumili ng paisa-isang kataga, pira-pirasong salita.

Bagkus tayo ay hinihimok na magmuni muni sa kabuuan ng nakasaad na mga talata. At tiyak na matatagpuan natin doon ang kaliwanagan at kalayaan; hiwaga at katotohanan.

Hindi ko pinagkakaila ang aking nakaraan. Hindi ko pinagmamalaki ang aking kabanalan. Ang simpleng mungkahi na nais kong iparating sa ngayon ay ito: ang taong mahal ng Diyos ay hindi mananatili sa estado na kanyang kinalakihan.

Ang bulag ay makakakita. Ang pilay ay makakalakad. Ang manhid? Makakaramdam.

Leave a Reply